Tahan.
Kumusta ka?
Nagliliyab pa ba ang apoy,
Pagmamahal at pagsisilbi,
Sa bayan, sa kabataan?
Naaalala mo pa ba
Kung saan nagmula
Ang bunga ng pighati
Bitbit mo bilang tugon
Sa landas na tinatahak?
May halaga pa ba
Ang bawat pagsindi ng apoy
Sa tuwing ito’y namamatay
Sa ihip ng hangin
Mula sa kinakalawang na Makinarya?
Kumusta na?
Ipagpapagtuloy pa rin ba
Ang mga hakbang na sinimulan
Para sa bayan, para sa kabataan?
Tahan.
Tumahan ka at ilawan
Ang madilim na daan,
Magsilbing liwanag,
Sa mga nasa karimlan.
Tumahan ka at kumapit,
Sa bawat saysay at puwang,
Para humakbang,
Para sumulong.
Tumahan ka at pakinggan
Ang huni ng bawat hakbang
Patungo sa tunay na diwa
Ng pag-ibig at paglilingkod
Para sa bayan, para sa kabataan.